Martes, Disyembre 11, 2018

MGA DAPAT TANDAAN SA PAGBILI AT PAGPAPATITULO NG LUPA



Paano nga ba makakasiguradong ligal ang papasuking transaksyon sa pagbili ng lupa?

Unang-una, humingi ng kopya ng TITULO ng lupang bibilhin sa Register of Deeds. Bilang buyer, dapat ay mag-imbestiga kung nakapangalan ba sa nagbebenta ng lupa ang titulo. Dito malalaman kung ang titulo ay peke, may pasanin (gaya na lang kung nakasangla) o ano pa mang problema. 

Kapag walang problema sa titulo, maaari na ngayong mag-execute ng tinatawag na “DEED OF ABSOLUTE SALE” o ang kontrata ng naging bentahan ng lupa. Dapat ay nakapirma rito ang bumili (buyer/vendee) at nagbenta (vendor) at ito’y na-notaryohan.
 
Pagkatapos ng bentahan, kailangan niyo na ngayong asikasuhin ang mga requirements na isusumite sa Bureau of Internal Revenue (BIR) gaya ng Transfer Certificate of Title (TCT) na nakapangalan sa vendor, notaryadong Deed of Absolute Sale, latest tax declaration ng lupang nabili at Tax Identification Number (TIN) ng vendor at buyer.

Kapag naisumite na ang mga requirements, kailanga namang magbayad ng buyer ng DOCUMENTARY STAMP tax sa BIR. Ang vendor o iyong nagbenta ng lupa naman ang siyang magbabayad ng tinatawag na CAPITAL GAINS TAX dahil siya ay kumita sa naging bentahan.

Kapag nakapagbayad na, mag-iisyu ang BIR ng CERTIFICATE OF AUTHORITY TO REGISTER. Ito ang patunay na bayad na lahat ng tax ng lupang iyong binibili at puwede na itong irehistro at ilipat sa pangalan ng bumili ng lupa.

Ang naturang certificate ay isusumite naman sa Register of Deeds kasabay ng pagbabayad ng kaukulang transfer fees. Matapos nito, maaari na kayong ma-isyuhan ng New Owner’s Duplicate copy ng Titulo ng lupa. 

Kapag nairehistro na sa pangalan ng nakabili ng lupa ang titulo, kailangan namang isumite ito sa Municipal o Provincial Assessor’s Office para maisyuhan ng bagong Tax Declaration.

Simple lamang ang mga nabanggit na proseso pero mas mainam pa rin na maging maingat, maging mapanuri sa mga bibilhing ari-arian at ipa-rehistro ng maayos para makaiwas pa sa mas malalang aberya sa hinaharap.

Huwebes, Nobyembre 22, 2018

MAY-ARI NG ASONG NAKA-KAGAT NG TAO, MAAARING MAG-MULTA AT MAHARAP SA KASONG SIBIL


Larawan mula sa Google
ASO MO, ITALI MO!
By: GL

Nakatali ba ng maayos ang iyong aso? Mag-ingat! Dahil maaari kang Mag-multa at maharap sa kasong Sibil sakaling maka-disgrasya o maka-biktima ang iyong alagang aso.

Nakapaloob sa Republic Act 9482 o ang “Anti-Rabies Act of 2007” ang mga responsibilidad ng may-ari ng aso. Isa na rito ay ang pagtatali sa alagang aso kung sakaling ito ay dadalhin sa labas at ang kaukulang kaparusahan nito na pagbabayad ng multang liman-daang piso (P500.00) sa bawat insidente.

Kung sakaling maka-kagat naman ang alagang aso, ang insidente ay kinakailangang mai-report agad ng may-ari ng aso sa mga otoridad sa loob ng dalawampu’t apat (24) na oras at dalhin ang aso sa isang government o private veterinarian para ma-obserbahan. Kapag ang may-ari ng aso ay tumanggi sa gagawing obserbasyon sa kanyang aso, maaari itong mapatawan ng multang Sampung libong Piso (P10,000.00).

Ayon din sa naturang batas, responsibilidad din ng may-ari ng aso na sagutin ang pag-papagamot sa taong nakagat ng kanyang aso. At kung sakaling ito ay hindi masunod, ay may kaukulang multa na nagkakahalagang Dalawampu’t Liman Libong (P25,000.00) Piso.

Lahat ng ito ay malinaw sa Sections 5 at 11 ng nasabing batas:

Sec. 5. Responsibilities of Pet Owner. - All Pet Owners shall be required to:
(a) xxx;
(b) xxx;
(c) Maintain control over their Dog and not allow it to roam the streets or any Public Place without a leash.
(d) xxx;

(e) Within twenty-four (24) hours, report immediately any Dog biting incident to the Concerned Officials for investigation or for any appropriate action and place suchDog under observation by a government or private veterinarian.

(f) Assist the Dog bite victim immediately and shoulder the medical expenses incurred and other incidental expenses relative to the victim’s injuries.

Sec. 11. Penalties. -
(1) xxx.
(2) xxx.

(3) Pet Owners who refuse to have their Dog put under observation after said Dog has Bitten an individual shall be meted a fine of Ten thousand pesos (P10,000.00).

(4) Pet Owners who refuse to have their Dog put under observation and do not shoulder the medical expenses of the person bitten by their Dog shall be meted a fine of Twenty-five thousand pesos (P25,000.00).

(5) Pet Owners who refuse to put leash on their Dogs when they are brought outside the house shall be meted a fine of Five hundred pesos (P500.00) for each incident.

xxx.”

Samantala, maaaari din na maharap sa kasong sibil ang sinumang nag-aalaga ng aso kung sakaling ito ay maka-perwisyo ng iba, at kahit pa ito ay nawala o nakawala. Ito ay malinaw sa Article 2183 ng Civil Code of the Philippines na nagsasabing:

“Art. 2183. - The possessor of an animal or whoever may make use of the same is responsible for the damages which it may cause, although it may escape or be lost. This responsibility shall cease only in case the damage should come from force majeure or from the fault of the person who has suffered damage."

Ayon sa nasabing batas, hindi kinakailangan na ikaw ang may-ari ng asong naka-perwisyo, para ikaw ay magkaroon ng pananagutan sa biktima. Sapat na na ikaw ang nag-aalaga o nag-iingat nito.

Paalala, upang makaiwas sa ano pa mang abala at aberya, maging isang responsableng pet owner at huwag hayaang pagala-gala ang iyong aso sa kalsada at iba pang pampublikong lugar na hindi nakatali. Siguraduhin ding nabigyan ng kaukulang bakuna ang aso laban sa rabies.

***