Martes, Disyembre 11, 2018

MGA DAPAT TANDAAN SA PAGBILI AT PAGPAPATITULO NG LUPA



Paano nga ba makakasiguradong ligal ang papasuking transaksyon sa pagbili ng lupa?

Unang-una, humingi ng kopya ng TITULO ng lupang bibilhin sa Register of Deeds. Bilang buyer, dapat ay mag-imbestiga kung nakapangalan ba sa nagbebenta ng lupa ang titulo. Dito malalaman kung ang titulo ay peke, may pasanin (gaya na lang kung nakasangla) o ano pa mang problema. 

Kapag walang problema sa titulo, maaari na ngayong mag-execute ng tinatawag na “DEED OF ABSOLUTE SALE” o ang kontrata ng naging bentahan ng lupa. Dapat ay nakapirma rito ang bumili (buyer/vendee) at nagbenta (vendor) at ito’y na-notaryohan.
 
Pagkatapos ng bentahan, kailangan niyo na ngayong asikasuhin ang mga requirements na isusumite sa Bureau of Internal Revenue (BIR) gaya ng Transfer Certificate of Title (TCT) na nakapangalan sa vendor, notaryadong Deed of Absolute Sale, latest tax declaration ng lupang nabili at Tax Identification Number (TIN) ng vendor at buyer.

Kapag naisumite na ang mga requirements, kailanga namang magbayad ng buyer ng DOCUMENTARY STAMP tax sa BIR. Ang vendor o iyong nagbenta ng lupa naman ang siyang magbabayad ng tinatawag na CAPITAL GAINS TAX dahil siya ay kumita sa naging bentahan.

Kapag nakapagbayad na, mag-iisyu ang BIR ng CERTIFICATE OF AUTHORITY TO REGISTER. Ito ang patunay na bayad na lahat ng tax ng lupang iyong binibili at puwede na itong irehistro at ilipat sa pangalan ng bumili ng lupa.

Ang naturang certificate ay isusumite naman sa Register of Deeds kasabay ng pagbabayad ng kaukulang transfer fees. Matapos nito, maaari na kayong ma-isyuhan ng New Owner’s Duplicate copy ng Titulo ng lupa. 

Kapag nairehistro na sa pangalan ng nakabili ng lupa ang titulo, kailangan namang isumite ito sa Municipal o Provincial Assessor’s Office para maisyuhan ng bagong Tax Declaration.

Simple lamang ang mga nabanggit na proseso pero mas mainam pa rin na maging maingat, maging mapanuri sa mga bibilhing ari-arian at ipa-rehistro ng maayos para makaiwas pa sa mas malalang aberya sa hinaharap.