Sabado, Nobyembre 17, 2018

MALING ENTRY SA BIRTH CERTIFICATE

PAANO MALALAMAN KUNG ANG PAGTATAMA SA MALING MGA ENTRY SA INYONG BIRTH CERTIFICATE AY IDADAAN PA SA KORTE O HINDI NA?
By: GPL
  
Isa ka siguro sa mga namomoroblema dahil “wrong spelling” ang pangalan mo. Imbes na JENNIFER ay JENIPER ang nailagay sa iyong birth certificate (BC). Maaari ring namomoreblema ka dahil mali ang petsa ng iyong kapanganakan? Kahit ano pa man, ang importante ay may solusyon pa para ito’y maayos. Ang tanong nga lang ng karamihan ay paano malalaman kung ang pagsasaayos ng mga entry sa iyong birth certificate ay kailangan pang idaan sa korte o hindi na.
                           


Dalawang paraan ng pagtatama ng maling entry


May dalawang paraan para maisaayos ang maling entry sa iyong birth certificate. Ang una ay pagtatama ng maling entry sa pamamagitan ng pag-file ng petition sa Local Civil Registry Office ng Lungsod o Bayan kung saan ito na-rehistro  at hindi na kailangan pang dumaan sa korte (RA 9048 at RA 10172). Ang pangalawa naman ay pagtatama ng maling entry sa pamamagitan ng pag-file ng petition for correction of entry sa korte (Rule 108, Rules of Court).


Pagtatama na hindi na kailangang idaan sa korte

Nakapaloob sa RA 9048 at RA 10172 na ang City/Municipal Registrar o ang Consul General ay pinahihintulutang magtama ng typographical o clerical error sa Birth Certificate at iba pang Civil Registry Documents na hindi na kailangan pa ng Judicial Order o Court Order


Ayon sa nasabing batas, maari kang magtungo o dumiretso sa Local Civil Registry Office ng Lungsod o Bayan kung saan na-rehistro ang iyong Certificate of Live Birth, upang maghain ng petisyon, kung ang maling entry ay alinman sa mga sumusunod:

a.  May typographical o clerical error sa alinmang entries sa Birth Certificate, maliban kung ang mali ay ang Nationality, Status, at Edad (Taon ng kapanganakan)

Kapag sinabing Clerical o Typographical error, ito ay mga simple at halatadong na pagkakamali sa paghahanda ng mga entries dahilan sa pagsusulat o pag “type” na hindi naman magdudulot ng masamang epekto gaya na lamang ng maling spelling sa iyong first name o kaya naman ay maling spelling ng place of birth, at iba pang mga entries na puwedeng itama gamit ang iba’t ibang references at record. Halimbawa, imbes na JUDITH, naging JODITH ang nairehistrong pangalan o di kaya’y imbes na QUEZON CITY ang lugar ng kapanganakan ay QUIZON CITY ang narehistro.

b.   Mali ang firstname o nickname

Pinapayagan din ng nasabing batas1 na maayos o mapalitan ang firstname o nickname kung ang rason ay alinman sa mga sumusunod:

·   Kapag sa tingin mo ay ang pangalan ay katawa-tawa, may bahid ng sirang dangal o puri o di kaya’y mahirap isulat o bigkasin;
·  Kapag ang nais mong ipalit ay ang pangalan na madalas o palagi at tuloy-tuloy mong ginagamit; o
· Kapag ang pagbabago ay hindi magdudulot o di kaya’y maiwasang magdulot ng kalituhan.


c.    Mali ang kasarian

Pagdating sa maling entry sa kasarian, kakailanganin na  ito ay masuportahan ng Medical Certificate galing sa accredited government physician na hindi ito nagpa sex change o sex transplant.

d.   Mali ang Buwan at Araw ng Kapanganakan


Kapag ang mali naman ay buwan at araw sa petsa ng kapanganakan, puwede na rin itong itama sa Local Civil Registrar ng munisipyo kung saan nakarehistro ang Birth Certificate. Halimbawa, imbes na September 6 ang date of birth, nairehistro bilang October 6 ang iyong birthday. Kailangan lamang maghanda ng mga supporting documents (gaya ng baptismal certificate) kung saan ibabase ang pagtatama ng maling entry.
         

Pagtatama na kailangang ma-idaan sa korte

Kung ang mga maling entry naman sa inyong Certificate of Live Birth ay hindi kabilang sa mga sumusunod, kagaya na lamang ng maling taon ng kapanganakan, Nationality o Status, ay maari lamang mapaayos sa pamamagitan ng paghain ng petisyon sa korte na may sakop ng lugar kung saan narehistro ang entry.
     
Samantala, ang mga nasabing paraan ng pagtatama ng entries sa birth certificate ay pwede ring gamitin sa pagtatama naman ng iba pang civil registry documents gaya ng marriage certificate at death certificate.

_______________
1 RA 9048 SECTION 4. Grounds for Change of First Name or Nickname. - The petition for change of first name or nickname may be allowed in any of the following cases:

1.     The petitioner finds the first name or nickname to be ridiculous, tainted with dishonor or extremely difficult to write or pronounce.

2.     The new first name or nickname has been habitually and continuously used by the petitioner and he has been publicly known by that by that first name or nickname in the community: or

3.     The change will avoid confusion.




***


1 komento:

  1. mali ang entry nang municipyo:instead na Cabucgayan,ang ma entry sa live birth ay Naval ang nakalagay,slamat po.

    TumugonBurahin